CDA NCR EO

L/G Floor, Edsa Grand Residences, No. 75 Corregidor Street, Corner EDSA, Barangay Ramon Magsaysay, Quezon City 1105

Lungsod ng Makati – Oryentasyon at Organisasyon ng Kooperatiba at Savers Center

Ang Makati Cooperative Development Office (MCDO) ay nagsagawa ng Oryentasyon at Organisasyon ng Kooperatiba at Savers Center noong Setyembre 16, 2025 sa Barangay Carmona Complex sa Lungsod ng Makati. Ito ay sa pamumuno ni Gng. Vivian D. Gabriel na nagtatag ng Makati Savers Program (MSP) na pinatutupad sa lahat ng mga barangay at iba’t-ibang sektor ng pamayanan na naglalayong bigyan ng pansin ang mga aspetong pang-ekonomiya, pananalapi at pangkabuhayan ng mga mamamayan ng Makati. Ang programang ito ay naghihikayat na hubugin ang bawat mamamayan ng Makati sa pamamagitan ng talakayan tungkol sa “Kaugalian at Kahalagahan ng Pag-iimpok”. Ang nasabing Oryentasyon ay dinaluhan ng Makati Social Welfare Department (MSWD), sa pangunguna ni Gng. Maribel M. Lumang, Pinuno sa Tungkulin, mga tauhan ng Makati CDO, Marilou M. Valencia, CDS II sa Lungsod ng Makati at mga mamamayan (savers) ng kalapit na mga barangay. 

Ang Makati Savers Program (MSP) ay isang programa ng pag-iimpok ng sama-sama ayon sa kakayahan, husay at sigasig ng mga kasapi. Ito ay para magkatulungan, maging maayos at wasto ang kanilang paggamit ng pananalapi para maisakatuparan ang kaugaliang pagtitipid, pagkamasinop at pag-iimpok.

Ang pangkalahatang layunin ng programang ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan ng Makati na magkaroon ng kaalaman sa pamamahala ng pananalapi at pagkakataong makapagnegosyo (Financial Education and Wellness).

Ang mga benepisyo ng programang ito ay ang mga sumusunod: 

  • Panlipunang pangkaunlaran
  • Kapayapaan at katahimikan
  • Paunlarin ang kaugaliang:
  • Marunong mag-impok
  • Pagiging masinop
  • Tamang paggamit ng salaping kinita
  • Maging handa sa pag-organisa o pagbuo ng sariling Kooperatiba sa hinaharap
  • Pagnenegosyo at paghahanapbuhay

Ikinatuwa, at ikinagalak ng mga kasaling savers mula sa iba’t-ibang barangay ng Makati ang bago nilang natutunan na paraan ng pag-iimpok, pagiging masinop, tamang paggamit ng salaping kinita at pagiging handa sa pag-organisa o pag-buo ng sariling Kooperatiba sa hinaharap. 

Taos-pusong nagpasalamat din ang mga savers sa mga nasa likod ng programang ito at gayundin sa mga naging tagapagsalita.