Bakit nangyayari ito?
Bakit ngayon pa?
Hanggang kalian tayo ganito?
Mga katanungan na sumasagi sa isip ng bawat tao na nakakaranas ng kahirapan sa panahon ngayon. Masakit isipin na sa isang iglap nagbago na ang lahat: mga plano, pangarap, at mga normal na Gawain na hindi natin alam kung maibabalik pa sa dati.
Ang mga Kooperatiba ay isa sa mga sector na malaking naapektuhan sa pandemyang ito sapagkat kasama sa pagbagsak ng ekonomiya ng bansa, marami sa mga kasapi ng bawat samahan ay hindi na nakakatupad sa kanilang mga obligasyon at tungkulin dulot ng kawalan ng hanap-buhay. Kagaya ng iba, ang Lucban Genesis Transport Service Multipurpose Cooperative ay malaki ang naging adjustments simulang magbalik sa operasyon noong ika-18 ng Mayo lalo pa’t nagsisimula pa lamang silang tumalima sa PUV Modernization Program ng National Government. Nagsisimula pa lang ang kanilang pagsasaayos ng Kooperatiba at nagpaplano sa mga maaari pang gawing negosyo.
Sa kagustuhang tumulong, habang nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine ang bansa, patuloy na naramdaman ang diwa ng Kooperatiba sa pagbibigay ng ayudang bigas sa mga kasapi at nagbigay ng serbisyo sa bayan ng Lucban: Libreng sakay para sa mga nasa barrio o linang na magtutungo sa kabayanan upang bumili ng kanilang makakain at mga kailangan sa tahanan. Marami ang natuwa at marami din ang bumatikos sapagkat hindi lahat ay naisasakay sa oras ng kanilang pangangailangan dahil ang prayoridad namin ay ang pag-obserba sa “Social Distancing”.
Hindi naging madali ang pagbabalik operasyon noong ika-18 ng Mayo 2020. Nariyan ang: Pagpapatupad ng “new normal” setup para sa ilang empleyado kung saan ang ilan ay “work-from-home”; Makailang beses na pulong kasama ang mga empleyadong Driver at Dispatcher upang ipaliwanag ang kinakailangang sundin na health protocols; Paghahanda ng mga disinfection materials, thermal scanner at manifesto para sa contact tracing; at pagkuha ng Special Permit sa LTFRB para sa mga sasakyan upang masigurado na legal ang pagbyahe. Noong una ay pinanghinaan na sila ng loob sapagkat alam ng kooperatiba na hindi kikita ito dulot ng kalahating kapasidad lamang ang maaari nilang isakay na pasahero at samahan pa ng karagdagang kagastusan para sa mga disinfection materials. Ngunit determinado ang pamunuan na ipagpatuloy ang operasyon upang matugunan ang pangangailangan ng mamamayan at pagtupad sa tungkulin bilang nasa hanay sila ng serbisyo publiko.
Sa kabila ng mga pagsubok sa operasyon, hindi ito nagging hadlang upang isakatuparan ang mga plano sa patuloy na paglago ng kooperatiba. Kung kaya’t kahit may pandemya pinasimulan pa din nila ang pagdadala ng PUV Modernization program sa mga bayan ng Tayabas at Mauban. Nagdaos sila ng simpleng Launching at Blessing ng mga sasakyan para sa rutang: Tayabas – Mauban & vice versa noong ika-25 ng Hunyo 2020 kung saan dinaluhan ito ng ilangLupon ng Patnugutan at mga empleyadong Driver na nakaatas na magmaneho sa nasabing ruta. Gayundin, sa kabila ng pandemya at walang kasiguraduhan kung may kikitain ang operasyon, nakuha nila ang karagdagang labinlimang (15) yunit sa Hino Carmona noong ika-1 ng Agosto 2020 na siyang magagamit sa kasalukuyan at mga plano pang kuhaning ruta.
Ang pandemyang ito ay pagsubok lang na kayang lampasan kung magtutulong-tulong at magkakaisa. Ito ang totoong diwa ng Kooperatiba at ito ang nararanasan ng Lucban Genesis Transport Service Multipurpose Cooperative sa panahon ngayon. Sa kabila ng krisis, hindi nila iniwan ang mga miyembro na nagging daan upang unti-unti nilang maipagpatuloy ang mga naudlot na plano. At gaya ng iba, hangad nila na matapos na ang pandemya upang maibalik ng Kooperatiba ang serbisyong nararapat para sa mga kasapi nito. (By. Ms. Hannah Leah Panaligan)