Upang makatulong na masigurong may pagkain sa bawat hapag ng bawat pamilya sa Barangay Longos, Malabon, isang kooperatiba ang nagpaabot ng tulong at namahagi ng pagkain sa kanilang komunidad sa gitna ng krisis na kinakaharap ngayon ng ating bansa.
Ito ay ang “Ang Palengke Natin Multi-Purpose Cooperative” na namigay ng 2 banyera ng galunggong na umaabot sa 100 kilo at ng mga ulo-ulo ng malalaking isda gaya ng tuna at salmon. Ang tulong na ito ay nakaabot sa mahigit 102 pamilya sa Barangay Longos ng Malabon. Marapat lamang ang pagpupugay sa ating mga kooperatiba na di alintana ang mga sakripisyong kailangan nilang gawin makapagbigay lamang ng walang sawang paglilingkod sa kanilang mga miyembro at sa kanilang komunidad sa iba’t ibang kaparaanan ngayong tayong lahat ay humaharap sa isang malaking hamon. Ang ganitong mga katangi-tanging gawa ay nagsisilbing inspirasyon at paalala sa bawat Pilipino na sama-sama tayong babangong muli at ipapanalo ang laban natin kontra sa COVID-19.
#CoopsAgainstCovid19