CDA Region IV-A EO

“SA PINAGDANLAYAN MULTI-PURPOSE COOPERATIVE (PMPC) KAISA’T KASAMA KA”

Hindi maikakaila na sa isang iglap nabago ang ikot ng mundo. Marami na ang naging biktima sa pandemic na likha ng pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na COVID-19. Lahat ay maaaring maging biktima at walang nakakaalam kung kailan, sino at saan. Maging mayaman o mahirap na bansa, prominenteng tao o hindi, at maging sa negosyo, maliit man o malaki.

Nang dahil sa “community quarantine” na mahigpit na pinatutupad ng pamahalaan, halos lahat ay naapektuhan simula sa sektor ng komunidad, kalusugan, agrikultura, trabaho at iba pa. At lalo’t higit pa, sa ekonomiya ng ating bansa.

Sa ganitong kasalukuyang bagong normal o “new normal” na kaganapan sa bansa at sa buong mundo, naipapakita ng bawa’t isa ang puso ng pagkakaisa at pagtutulungan.

Ang malasakit sa kapwa at ang pagiging matatag sa gitna ng suliranin ay kusang lumalabas. Hindi ipinagkakait at hindi rin ipinagsasawalang bahala.

Isa sa mga samahan na hindi magpapatinag sa nangyayari ngayon ay ang Pinagdanlayan Multipurpose Cooperative. Ang kooperatibang ito ay isang “Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs)” ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan-Quezon 1.

Sa pangunguna ng kanilang Tagapangulo, G. Apolonio de Rosales at ng kanilang Tagapangasiwa, Bb. Ailen B. Merano, agad silang nag-isip ng mga programang maaring makatulong sa bawat kasapi at sa kanilang pamayanan.

Dahil sa kakulangan ng mga pananggalang laban sa COVID 19 sa mga pamilihan tulad ng mga alkohol, “sanitizers” at “N-95 face masks,” napagpasiyahan ng pamunuan na gumawa ng sariling bersyon ng “face mask.”

Sa pansamantalang pagtigil ng operasyon ng PMPC sa pagtatahi ng “jackets, jogging pants, t-shirts” at iba pang kahalintulad na produkto, ito naman ang nagging daan para magamit ang pasilidad at mga makina sa pagtatahi ng mga “face masks” at matugunan ang kakulangan ng mga nito para sa mamamayan ng Dolores.

Ang kooperatiba ay nakatulong din sa kanilang mga kasamahan dahil  binayaran ang serbisyo ng mga mananahi ng mga “face masks.” Nakapagbenta sila ng 5,000 piraso sa iba’t ibang “religious organizations” at 10,000 piraso sa local na pamahalaan ng Dolores, Quezon.

Gayundin, hindi nagpahuli ang kooperatiba sa kanilang responsibilidad sa lipunan. Ang PMPC ay nagkaloob ng 50 pirasong mga “face masks” sa Dolores “Fire Protection Group” at 2,500 piraso naman ang kanilang nai-ambag sa maraming barangay sa bayan ng Dolores. Ang mga donasyon na ito ay personal na dinala para ipamahagi sa pamamagitan ng mga kapitan ng mga barangay.

Pinatunayan ng PMPC na sa kabila ng ganitong sitwasyon, nagamit nila ang mga pag-aaaring yaman ng tama, nakapag-bahagi at ambag pa sila ng tulong sa kanilang pamayanan.

Sa gitna ng labang ito sa COVID-19, ang mga kasapi at pamunuan ng kooperatiba ay nagkakaisa, hindi sumusuko, patuloy na tumutulong sa abot ng kanilang makakayanan.

Ang Pinagdanlayan MPC ay kaisa ng bansa at ng buong mundo sa pananalangin na matatapos din ang suliraning ito isang araw upang muling magsimula at upang sumibol sa mga puso’t diwa ng bawa’t isa ang bagong pag-asang umunlad muli.

Sinulat ni :

AURORA L. QUERUBIN
ARPO II/PIO

Photos and source of information
Ms. Ailen B. Merano
Manager – PMPC
Pinagdanlayan, Dolores, Quezon

Lea B. Rodil
ARPO 1
DARPO Quezon 1